Tuesday, October 18, 2005

Geo Farm: A different paradigm

Isang magandang karanasan ang naganap nang magpunta ang klase sa Geo Farm noong nakaraang Sabado at Linggo sa Bayambang, Pangasinan. Sa Geo Farm, nagkaroon ng mga teambuilding activities para sa mga estudyante, mayroon ding pag-ikot sa kabuuan ng lugar upang makita ang ilan sa kanilang ginagawa upang masabing naiiba ito sa nakamulatan na ng karamihan sa amin. Ang ilan sa aming pinuntahan ay ang balon kung saan kanilang binubuhay at pinaparami ang spirolina, ang kanilang biogas digester na siyang nagbibigay ng enerhiya sa farm para sa pagluluto at pagpapatakbo ng mga ilaw at refrigerator. Tiningnan din ng klase ang kanilang halamanan kung saan makikita ang ilang mga pananim at halamang nakikita lamang sa paligid-ligid ngunit lingid sa marami ay mahahalaga palang mga halaman na maaring makain, maaring panggamot at iba-iba pang gamit. Para sa teambuilding activities, ito ay isang karanasan na nagpakita kung gaano wala sa kondisyon ang aming mga katawan na matagal ng hindi nabanat ng ganoon. Nagbigay din ito ng pagkakataon na lalong magkakilala ang ilan sa amin na hindi naman gaanong nagkakausap dahil sa laki ng bilang ng klase.

Kung titingnan ng malaliman ang ginagawa ng Geo Farm, masasabing ito ay isang pamamaraan ng pagsubok ng isang self-sustaining concept kung saan ang lahat ng kanilang kakailangin para sa pag-araw-araw ay maaring punuan ng mga bagay na matatagpuan sa kapaligiran. Bukod pa dito, ang pagsasabuhay ng konseptong recycling ay kitang-kita sa paggamit ng mga dumi ng tao at hayop, mga tubig na ginamit sa ibang paraan at mga basurang ginagamit ng paulit-ulit upang magkaroon ng silbi (dahil dito, maari ngang ituring na hindi na ito basura dahil may gamit pa din, puwede nang tawagin na dagdag na resources). Sa konsepto ng biogas talaga napukaw ang aking interes kahit mula pa ng una akong mapunta sa isa rin nilang lugar sa Earthaven. Nakikita ko kasi ang isang teknolohiya na kayang-kayang gawin sa mga komunidad na maliit lamang ang kakailanganing halaga pero maraming magiging pakinabang sa mga magkakaroon ng interes dito. Bukod kasi sa makakapagbigay ng kuryente para sa pagpapailaw at pagpapatakbo ng ilang kagamitan, maaari din itong makatulong sa problema ng kalusugan na kinakaharap ng mga kababayan natin sa kanayunan. Ako nga lamang ay nagtataka kung bakit ang ganitong klase ng konsepto na sa aking palagay ay matagal ng nandirito at nalalaman ng mga tao ay hindi nabibigyan ng sapat na atensyon. Sa aking pakikipag-usap kay Bishnu (isang kaklase) noong gabi matapos ang nakakaginhawang pagtuturo ng pagmamasahe, napag-alaman ko na sa Nepal pala ay ginagamit din ang ganitong teknolohiya. Ayon sa kanya, ang mga bahay ay pinupursigi na magkaroon ng biogas system bilang bahagi ng kanilang bahay kung saan ito ay ang pinaka –kubeta na nila. Sa pamamagitan nito, nagagamit nila ang enerhiyang nagawa para sa pagluluto nila ng pagkain. Nang siya ay tanungin ko tungkol sa suporta ng pamahalaan, nalaman ko na nagbibigay ng suportang pinansyal ang pamahalaan at ilang mga NGOs para lalong mahikayat ang mga tao sa paggamit ng sistemang ito. Nagtataka nga daw siya sa hindi paggamit ng ganitong sistema dito sa Pilipinas gayong ang gastos lang sa kanila para sa sistema para sa bahay ay aabutin lamang ng halos apat na libong piso (P 4,000.00). Ito ay mahal pa daw dahil inaangkat pa nila ang mga materyales ng paggawa sa ibang lugar. Ikumpara sa atin na nandito na ang lahat ng gamit, nakapagtataka nga! Ang ideyang ito ay talagang pumupukaw sa akin dahil may ilang bagay na nagpapatibay ng ganitong adhikain. Una, sa ating bansa ay madalas pa rin ang magkakasamang pamilya sa iisang bakuran (tulad sa amin sa Cavite) na siyang maaring pagsimulan ng paggamit ng ganitong sistema. Kung mas maraming bahay ang gagamit ng ganitong sistema, magiging sentralisado na ang mga palikuran at lababo na magpapabawas sa napakaraming hukay sa mga bakuran. Pangalawa, sa barangay level, maari din itong isulong lalo na kung magkakaroon ng malinaw na pamantayan at makikita nila ang ganansya nito. Maari itong magbigay ng ilaw sa mga barangay na hanggang ngayon ay walang kuryente, maaring magamit sa pagluluto na makakabawas sa gastusin ng mga pamilya at makakabawas sa basura sa kapaligiran. Ito ay ilang mga pananaw lamang na maaring tingnan lalo na ngayon na nahaharap tayo sa patuloy na pagtaas ng mga gastusin dulot ng pagtaas ng presyo ng langis.

Para sa Geo Farm, hinahanap ko pa rin ang mas malalim na partisipasyon ng mga komunidad na nakapaligid dito. Bukod sa hanapbuhay bilang empleyado, pagpitas ng ilang prutas sa kanilang bakuran at pagdadala ng tae ng kalabaw at baka (cow dung daw iyon para specific), wala akong nakitang malalim na kaugnayan ng Geo Farm sa mga taong nakatira sa Barrio Mangayao at mga karatig na pook. Ang tagumpay ng isang adhikain tulad nito ay dapat ding sukatin sa kakayahan nitong ibukas ang isipan nila at ng mga tao sa komunidad tungo sa sama-samang paggalaw para sa isang totoong self-sustaining community. Sa akin kasing pakiwari, ang Geo Farm ay isang pribadong gawain kung saan ang mga may-ari lamang ang nagtatakda ng kung ano ang tama at mali na gagawin. Sa ating patuloy na pag-aaral sa pagpapaunlad ng pamayanan, ang buhay na partisipasyon mula sa tao ay isang paraan upang lalo pang mapayabong nina Edgard ang kanilang adhikain. Mas magiging makabuluhan ang kaniyang advocacy work kung may buhay na karanasan ng mga tao mula sa pamayanan na naging kabahagi at natuto mula sa kanila. Hindi pa naman huli ang lahat, maari nang simulan ngayon.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home